Entang (Saranggola Blog Awards Entry)

October 3, 2010

189 Teresa Maria St. Brgy. Mauway, San Fernando City. Wala naman nagbago, simula pa lang ng limang taon ako palipat lipat na kami ng bahay. Ang sabi ni Papa para daw malapit kami sa kanyang trabaho. Nasanay na din kami ni Mama nong kalaunan, dahil developer daw si Papa at siya lamang ang pinagkakatiwalaan ng kanilang kompanya.

Sa aming paglipat lipat halos nakasampung bahay na ata kami. Iba ibang adres, iba’t ibang mga lugar at iba’t ibang mga kaibigan. Tatlong araw simula ng dumating kami sa aming bahay ay nakilala ko si Kuya Obet ng minsan tumambay ako sa parke para magpahangin.

Linapitan ako ni Kuya Obet dala ang isang saranggola. Kulay asul na may halong dilaw, may kalakihan at tinalian ng pisi na nakapuluput sa isang malaking lata. At saka nya ako yinayaya magpunta sa kabilang kalye.

Agad akong nakumbinse dahil na rin sa pagkahilig ko sa mga kakaibang bagay. Ang sabi ni Kuya Obet magaling daw siyang gumawa ng mga saranggola, hindi daw basta bastang plastic ang ginamit niya sa paggawa ng kanyang saranggola, SM na plastic daw ang pinakamatibay sa lahat, kaya yun ang ginagamit niya. Habang manipis na kawayan naman ang kanyang ipinangskeleton sa kanyang obra. Samahan mo pa ng kanyang sekretong pisi na ibinabad sa dinurog na bubog at pinatuyo. Panigurado daw lahat ng kanyang kalaban ay ma-eentang at mapuputulan ng tali.

Maya maya pa’y nakarating kami sa isang malawak na damuhan. Kasama ang mga iba pang nagpapalipad ng saranggola, pinahawak sa akin ni Kuya Obet ang saranggola at saka siya lumayo. Sa isang malakas na ihip ng hangin sinenyasan niya ako na bitawan ito. Biglang pumaitaas ang aming asul na saranggola. Sa ilang sunod sunod na ihip at hatak ng pisi ay pumalaot pa ito ng paitaas ng paitaas. Totoo ngang magaling gumawa si Kuya Obet ng saranggola.

Simula non nakasanayan ko na din sumama at magpalipad ng saranggola bawat hapon kasama sila Buboy, Dingdong at Kuya Utoy. Talaga nga masarap pagmasdan ang mga saranggolang aming pinalilipad sa malawak at bughaw na kalangitan. Mga saranggolang nakikipagtagisan sa malakas na ihip ng hangin. Para silang nagsasayaw sa pag – ikot ikot at pag pagaspas ng kanilang mga buntot. Maraming maraming saranggola. Makukulay, may pula, may berde, may puti, may stripes. Iba’t ibang desensyo may malaki, may maliit at may katamtaman. Habang pataas ng pataas paliit ng paliit ang mga ito. Nakakawala ng pagod pagmasdan habang nakahiga sa mayabong na damuhan.

“Ang saranggola para lang din isang kaibigan, kung gusto mong maabot nito ang langit, hayaan mo na kumawala ang pisi. Hayaan mong hagkan nito ang mga ulap, hayaan mo itong pumaitaas at magsayaw, pero kapag alanganin ng umentang. Wag kang mawawala, at tulungan mo itong pumaitaas muli.” “Mawala man sa iyong paningin, hindi mo man makita, basta wag mong bitawan ang pising nagkokonekta sa inyong dalawa.”

“Weh?” Pang – asar na sambit ko sa kanyang seryosong talumpati. “TOK!” isang malutong na kaltok ang inabot ko.

Nagdaan ang mga buwan, halos siguro nasa apatnapung saranggola ang aming nagawa, lahat yun nakipagtagisan sa iba pang mga kalaro at sa madalas sa madalas, panalo. Bawat panalo may pustahang pop cola at saka binatog. Solb na ang bawat hapon basta si kuya Obet ang nagpapalipad panigurado meron na akong libreng meryenda.

“Anak, ayusin mo na lahat ng gamit mo.” Alam ko na ang ibig sabihin non ni Papa alas singko ng huwebes pagkauwi ko. Alam ko wala akong karapatang umalma dahil napag usapan na namin to dati pa. Naiintindihan ko siya. Katulad nga ng sinabi ko kanina, wala din namang nagbago. Ang tanging nasabi ko na lang. “Kelan po tayo aalis?” “Sabado ng umaga.” Bigla akong nabingi sa tatlong salitang yun.

Kinahapunan ng sumunod na araw sa huling pagkakataon, pinuntuhan ko ang lugar kung saan kami nagtitipon tipon upang magsaranggola. Wala si Kuya Obet pati ang kanyang saranggola. Sa isip isip ko, baka nahuli lang siya o kaya inutusan ng kanyang Tito Bong, o kaya gumagawa ng panibagong saranggola.

Paano na ang aking saranggola? Makakapagpalipad din kaya ako? Maaabot din kaya nito ang mga ulap? Sa aking pagkayamot, sinubukan kung paliparin ang aking kaibigan. Hila, takbo hila, takbo, kaunting hanging pa, hanggang nakaangat ang aking saranggola. Awa ng Dyos, ito ay lumipad sa isang pang malakas na ihip ng hangin.

Pinagmasdan ko itong unti unting lumiit habang hinayaang hilain nito ang lahat ng aking nakarolyong pisi. Nagpa-ikot ikot, nagpatumbling tumbling sa ere, nakipagtagisan sa bawat hampas ng hangin. Biglang umihip ang isang malakas na hangin, kasabay ng pagtahimik ng mga kuliglig. Napigtal ang taling nagkokonekta sa akin at sa aking kaibigan.

Kawawang saranggola, hindi na nagawa pang lumaban pa. Malamang baka hindi na kami muling magkita pa. Pinagmasdan ko itong tangayin ng hangin na parang papel sa kalangitan, palayo ng palayo, paliit ng paliit. Sa isang iglap, tuluyan ng nawala sa aking paningin. Hinila ko ang pisi, sinundan, umaasang kahit papaano’y matutuntun ko kung san ito bumagsak. Sa huli wala akong nahita kaya inantay ko na lang lumubog ang araw sa itaas ng burol kasabay ng huling pag asang makapagpaalam sana sa aking kaibigang nagturo sa aking lumipad katulad ng mga saranggola
.

Kinabukasan, umalis kami ng maaga. Nalungkot ako non dahil kahit anino ni Kuya Obet ay hindi ko nakita. Tanging sila Buboy, Dingdong, Kuya Utoy lang at ang balitang linalagnat si Kuya Obet ang naghatid sa akin sa sasakyan.

Simula non wala na akong narinig na balita sa kanila katulad ng pising naiwan sa akin hindi ko na sila nagawang nakausap pa. Gusto ko pa sanang maglaro ng saranggola kasama sila, magpalipad at makipagtagisan sa paiba ibang ihip ng hangin.

Bukas pupunta ako ng San Fernando City para sa isang pagpupulong sa aming kompanya. Pagkatapos aking babalikan ang aming tinirahan dati pati na ang malawak na tambayan. Makita ko pa kaya sila Buboy, Dingdong, Kuya Utoy at si Kuya Obet? Makilala pa kaya nila ako? Bukas magdadala ako ng Nylon, Plastik na SM at saka istik ng kawayan. Bukas magpapalipad kami ng saranggola. At simula bukas hindi ko na hahayaang mapatid ang mga pisi.